MANILA, Philippines - Umaabot sa 80 bata na sinasabing na-trap sa tubig-baha matapos na dumalo sa youth camp ang nasagip ng mga awtoridad sa bayan ng Kapalong, Davao del Norte noong Martes.
Sa ulat ng Office of Civil Defense Region XI, ang mga bata ay nagka-camping sa Barangay Florida nang abutan ng flashflood dakong alas-2 ng madaling araw.
Kaagad namang inilatag ang search and rescue operations ng pulisya at Philippine Army kung saan nasagip naman ang mga bata bago pa man mapahamak.
Nabatid na ang mga nasagip na bata ay maayos namang nakabalik sa kanilang tahanan sa Tagum City.
Sa tala ng Office of Civil Defense kabilang ang bayan ng Kapalong sa mga lugar na apektado ng flashflood sa Region XI.
Samantala, aabot naman sa 300 pamilya ang inilikas sa gymnasium sa Kapalong bunga ng flashflood na nararanasan.