Obrero naputulan dahil sa paputok

BOCAUE, Bulacan, Philippines – Malungkot na Bagong Taon ang sasalubong sa isang 21-anyos na obrero matapos maputulan ng paa dahil sa matinding pagsabog ng iligal na paputok sa Barangay Biñang 2nd sa bayan ng Bocaue, Bulacan noong Lunes ng madaling-araw.

Napilitang putulin ng mga doktor ang kanang paa ni Danilo Mansueto Jr. matapos mapuruhan ng paputok na “Goodbye Phils”, habang nalapnos naman ang mukha ng kanyang kaibigang si Ronald San Pedro, 24, kapwa nakatira sa nabanggit na barangay.

Base sa ulat ni SPO1 Ferdinand Cabuhat, pauwi na ang magkaibigang lango sa alak nang mapagtripang sindihan ang bitbit na paputok sa bakanteng lote malapit sa foodhouse.

Habang umiihi ang magkaibigan ay nagmintis ang mitsa ng paputok kaya binalikan at sinipa-sipa ni Mansueto subalit sa hindi inaasahang pagkakaton ay biglang sumabog.

Dito nadale ang kanang paa ni Mansueto habang si San Pedro naman ay nalapnos ang mukha dahil sa tilamsik ng mga baga ng paputok.

Maging ang mga salamin ng ilang establisimyento, signboard at bumbilya ng karinderya ay bumagsak dahil sa lakas ng pagsabog.

Show comments