MANILA, Philippines - Nalalagay sa balag ng alanganing masibak sa tungkulin ang hepe ng Lucena City PNP matapos ireklamo kahapon ng pamilya ng mag-amang negosyanteng pinaslang sa Barangay Gulang-Gulang sa Lucena City noong Setyembre 2011.
Personal na dumulog sa Camp Crame ang mag-inang Christina Riego, 33; at Sofia Riego, 61, na nagreklamo sa PNP- Internal Affairs Service (PNP-IAS) at PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban kay P/Supt. Ramon Balauag.
Humihingi ng hustisya si Sofia sa pamamaslang sa kanyang mag-amang Virgilio Riego, 61; at Joseph Riego, 27, na pinagbabaril ng suspek na si Percival Pirido sa beranda ng kanilang tahanan sa Reymar Compound, Brgy. Gulang-Gulang noong Setyembre 4, 2011.
Inakusahan ng mag-ina si Balauag na protektor ng utak sa krimen kaya tinulugan lamang ang kasong kriminal laban sa suspek.
Minabuti ng mag-ina na dumulog sa Camp Crame dahil sa mga kalalakihang nakamotorsiklo na umaaligid sa kanilang bahay kung saan simula nang mangyari ang pamamaslang ay nabahiran na sila ng matinding takot sa mga pagbabanta.
Nabatid na ikinasasama ng loob ng mag-ina ay nang idulog nila ang kaso kay Balauag kung saan sa halip na tulungan ay masasakit na salita pa ang ipinaratang sa kaniya.
Tiniyak naman ni PNP spokesman P/Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., na paiimbestigahan nila ang alegasyon ng mag-ina laban kay Balauag.