MANILA, Philippines - Napatay ang isang pulis habang isa naman ang malubhang nasugatan matapos na barilin ng kanilang kasamahang pulis nag-amok sa loob ng van noong madaling araw ng Pasko sa bayan ng Aritao, Nueva Vizcaya.
Kinilala ang napaslang na pulis na si PO3 Edwin Marabut, 52, habang sugatan namang isinugod sa Veterans Regional Hospital si P02 Thomas Luis.
Iniutos na ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome ang pagsasailalim sa summary dismissal at pagsasampa ng kasong administratibo at kriminal sa suspek na si PO3 Roberto Disipulo.
Sa ulat ni P/Senior Inspector Robert Aldea, hepe ng Aritao PNP, bandang alas- 3:15 ng madaling araw nang sumiklab ang kaguluhan sa loob ng police van sa Barangay Calitlitan kung saan reresponde sana ang tatlong pulis sa naganap na saksakan sa Barangay Bone South.
Nabatid na nakipagtalo ang suspek sa dalawang kasamahang pulis kung saan bigla na lamang namaril si Discipulo sa pagsasabing pinagkakaisahan siya nina Marabut at Luis.
Agad namang isinugod sa nasabing ospital ang dalawang sugatang pulis subalit binawian ng buhay si PO3 Marabut.
Matapos mahimasmasan sa ginawang pamamaril ay sumuko naman si Discipulo sa himpilan ng pulisya at isinailalim sa kustodya ng Nueva Vizcaya PNP Office.