3 pabrika ng paputok ni-raid
BULACAN, Philippines – Kalaboso ang tatlong negosyante makaraang salakayin ng pulisya ang tatlong pagawaan ng iligal na paputok sa magkakahiwalay na lugar sa mga bayan ng Sta. Maria at Bocaue sa Bulacan kamakalawa. Pormal naman kinasuhan ni Bulacan PNP director P/Senior Supt. Fernando Mendez Jr. ang mga suspek na sina Victor Pangan, 35, ng Northville 5, Brgy. Batia; Roberto Garcia, 56, ng Brgy.Turo, Bocaue; at si Dennmark Ilagan, 19, ng Brgy. Balasing sa bayan ng Sta. Maria. Base sa ulat, unang ni-raid ng mga tauhan ni P/Supt. Diosdado Iniego ang pagawaan ng iligal na paputok ni Pangan sa Brgy. Bunducan, Bocaue kung saan nakumpiska ang iba’t ibang uri ng paputok. Sinalakay din ang pagawaan ng paputok ni Garcia sa Brgy. Turo at ang pagawaan ni Cruz sa Barangay Balasing sa Bocaue kung saan nasamsam ng mga tauhan ni P/Supt. Raniel Valones ang iba’t ibang uri ng iligal na paputok.
- Latest
- Trending