BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Lima-katao kabilang ang magkakapatid na menor-de-edad ang iniulat na nasawi makaraang masunog ang kanilang tahanan dahil sa depektibong Christmas lights sa bayan ng Alicia, Isabela, kahapon ng madaling-araw.
Kabilang sa nilamon ng apoy ay ang mga biktimang sina Ariel Gulan, 24; Teresita Blanza, 49; Jenifer Blanza, 7; Mark Jensel Blanza, 5; at si Daniel Blanza, 7, pawang nakatira sa Barangay Calaocan sa nabanggit na bayan.
Malubha namang nasugatan kung saan isinugod sa ospital sina Salvador Blanza Sr., 49; Renato Palo, 50; Jengie Palo, 38; Regilyn Palo,16; at si Demie Blanza, 5.
Sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Moises Mabanag, Isabela PNP director, lumilitaw na bandang alas-2 ng madaling- araw nang nakatulog ang mga biktima matapos ang masayang Noche Buena sa pagsalubong sa Pasko.
Nabatid na pinabayaan naman na nakasindi ang Christmas lights kung saan magkakasabay na natulog ang mga biktima.
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay biglang umusok ang isa sa linya ng kuryente na nagmumula sa depektibong Christmas lights na nakasabit sa paligid ng kanilang tahanan.
Dito na umusok saka biglang nagliyab ang ilaw kung saan mabilis na kumalat ang apoy sa buong kabahayan.
Hindi na nagawang mailigtas ang mga biktima dahil sa kumakalat na ang makapal na usok habang patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya. Dagdag ulat ni Ricky Tulipat