MANILA, Philippines - Sinunog ng hindi pa nakikilalang mga kalalakihan ang gusali sa isang eskuwelahan sa high school sa Brgy. Pandan, South Upi, Maguindanao kamakalawa.
Ayon kay Col. Prudencio Asto, Chief ng Public Affairs Office ng Army’s 6th Infantry Division (ID), bandang alas-10 ng gabi nang maganap ang panununog sa Pandan National High School sa Brgy. Pandan nang nasabing bayan.
Partikular na binuhusan ng gasolina saka sinilaban ang Social Hall building ng nasabing eskuwelahan.
Bago ang insidente ay nakita ng ilang mga naninirahan sa lugar ang mga kahina-hinalang kalalakihan na umaaligid sa naturang paaralan.
Sa pahayag ng mga residente sa lugar, nakita pa nila ang ilang kalalakihang nagsisipanakbuhan palayo sa nasabing lugar matapos na magliyab ang eskuwelahan.
Naabo ang nasabing gusali at napigilan naman na kumalat pa ang sunog sa mga katabi nitong silid aralan matapos na magresponde ang mga bumbero at maapula ang apoy.
Isinasailalim na ng mga awtoridad sa masusing imbestigasyon ang motibo ng nangyaring panununog sa eskuwelahan.