TRO ng Imus mayor ibinasura
MANILA, Philippines - Tuluyang ibinasura ng First Division ng Commission on Elections (Comelec) ang petisyon ni Mayor Homer Saquilayan ng Imus, Cavite hinggil sa isinampa nitong Temporary Restraining Order (TRO) sa court ruling na nag-aalis sa kanya sa puwesto bilang alkalde ng kanilang bayan.
Base sa dalawang pahinang kautusan ng First Division ay ibinabasura ang isinampang TRO ni Saquilayan na pumipigil sa naging kalaban nito na si Emmanuel Maliksi na pumalit sa kaniyang puwesto.
Si Maliksi ay anak ni dating Cavite Governor Erineo “Ayong” Maliksi idineklara siyang nanalo bilang alkalde ng Imus sa nakalipas na 2010 election batay sa naging hatol ni Judge Cesar Mangrobang ng Imus Regional Trial Court (RTC) Branch 22 noong nakalipas na buwan.
Sa ruling ng Imus RTC, si Saquilayan ay mananatili lang sa kanyang puwesto sa loob ng 20 working days o hanggang Disyembre 28.
Sinabi naman ni Comelec Commissioner Rene Sarmiento na ang tatlong miyembro ng First Division na kanyang pinangunahan ay bumoto ng 2-1 na nagbabasura sa TRO ni Saquilayan.
Idinagdag ni Sarmiento na kung sakali na hindi makakuha ng TRO sa Supreme Court si Saquilayan bago ang Disyembre 28 ay makakaupo si Maliksi bilang mayor habang patuloy na dinidinig ng First Division ang naturang kaso.
- Latest
- Trending