Relief goods bumabaha sa Sendong victims
MANILA, Philippines - Patuloy na bumabaha ang relief goods na aabot na sa 60 tonelada na ipamamahagi sa mga biktima ng bagyong Sendong sa lungsod ng Cagayan de Oro at Iligan.
Ayon kay Army Spokesman Major Harold Cabunoc, kabilang dito ay mga used clothing, bottled water, kama, kutson, tents, mga gamot, pagkaing de lata, noodles at iba pa na inimpake ng mga sundalo.
Sinabi ni Cabunoc na maging ang mga paddlers ng Philippine Dragon Boat Team, world class champions ay nakiisa sa bayanihan sa pagdamay sa mga biktima ni Sendong.
Samantala, tumulak na ang grupo ng 9th Infantry Division ng Philippine Army kabilang ang Naval Forces Southern Luzon Command, Office of Civil Defense -Bicol para sa kanilang humanitarian mission sa bahagi ng Mindanao sa mga naging biktima ng bagyong Sendong.
Ayon kay Major Angelo Guzman, Spokesman ng 9th Infantry Division, bandang alas-6:37 ng umaga ng umalis ang grupo sa Pasacao Port, Pasacao, Camarines Sur lulan ng gunboat ng Antonio Luna (PG141). Ang nasabing barko ay naglalaman ng purifying machines, mineral water, gamot, medical kits at relief goods. Nabatid pa kay Guzman na katuwang din ang nasabing grupo sa kanilang medical services para sa mga residenteng naapektuhan ng bagyo sa bahagi ng Cagayan de Oro at Iligan City.
Samantalang maging ang Naga City sa Camarines Sur ay naglaan naman ng halagang P.5M tulong pinansyal. Ayon kay Mr. Frank Mendoza, budget officer, ang nasabing halaga ay kinuha sa calamity fund ng Naga City (P.2M) habang ang halagang P.3M ay kinuha naman mula sa Productivity Enchancement Incentives sa mga empleyado ng pamahalaang lokal. Samantala P1M naman ang ibinigay ni Albay Governor Joey Salceda sa mga biktima ni Sendong.
- Latest
- Trending