QUEZON, Philippines — Nabulabog ang pagdaraos ng Paskuhang Bayan sa Amphi Theatre makaraang sapukin ang municipal engineer ng bise alkalde kamakalawa ng gabi sa Barangay San Roque sa bayan ng Sampalok, Quezon.
Nahaharap sa kasong pananakit ang suspek na si Vice Mayor Francisco Abeja ng Barangay Ilayang Owain habang nagtamo naman ng sugat sa mukha si Ronaldo Salayo, 51, ng Barangay San Isidro. Sa ulat ni PO2 Aaron Herrera, masayang idinaraos ang Paskuhang Bayan nang biglang lapitan at sapakin ng suspek ang biktima sa hindi nabatid na dahilan.
Dahil sa pagsiklab ng kaguluhan ay ipinahinto ng organizer ang kasiyahan kaya naman galit na nag-uwian ang mga dumalong mamamayan. Samantala, nalalagay naman sa balag ng alanganing masuspinde ang suspek na tumalilis sa nasabing lugar.