Epileptic todas sa gulpi ng mga pulis
HAGONOY, Bulacan, Philippines — Pinaglalamayan na ngayon ang isang 47-anyos na binatang epileptic na sinasabing pinagtulungang gulpihin hanggang sa mapatay ng mga pulis sa himpilan ng pulisya matapos saksakin ang isang pulis na nagbabantay sa konsiyerto ng bandang Shamrock noong Biyernes ng gabi.
Kinilala ang napaslang na si Jovito Atienza na sinasabing sumaksak kay SPO1 Ranilo Dela Cruz na isa sa mga bantay sa band concert.
Batay sa ulat ng pulisya, binugbog ng kanyang mga kababaryo ang biktima matapos saksakin si SPO1 Dela Cruz subalit pinabulaanan naman ng pamilya Atienza ang pahayag ng pulisya.
“Maayos na sumama sa mga pulis ang kapatid ko, ni wala siyang galos, pagkatapos nalaman na lamang namin na patay na siya,” pahayag n Rodolfo Atienza, nakababatang kapatid ng biktima.
Lumilitaw na kalahating oras lamang makalipas dalhin sa himpilan ng pulisya ang biktima ay nagpaabot ng text message ang hepe ng pulisya na si P/Supt. Rolando Santos sa barangay captain na isinugod ito sa ospital dahil inatake ng epilepsy.
Lumilitaw sa inisyal na resulta ng pagsusuri ng doktor sa bangkay ng biktima ay nadurog ang atay nito, basag ang bato, at nabali ang pitong tadyang.
Naniniwala naman ang pamilya ng biktima na habang inaatake ng epilepsy ang binata ay pinagtulungang gulpihin ng mga pulis sa loob ng presinto.
Tumanggi namang humarap sa mga mamamahayag ang pulisya kahapon, ngunit batay sa kanilang ulat, si Atienza ay idineklarang patay sa Emilio G. Perez Memorial District Hospital noong Biyernes ng gabi.
Kaugnay nito, sinisisi rin ng pamilya at mga kapitbahay si PO1 Teodulo Martin na sinasabing kapitbahay ng pamilya Atienza kung saan naunang rumesponde sa insidente.
Sinasabing si PO1 Martin ang humarang sa mga barangay tanod na aalalay sana sa binatang epileptic sa himpilan ng pulisya.
- Latest
- Trending