BULACAN ,Philippines – Malungkot na Kapaskuhan ang sasalubong sa pamilya ng isang negosyanteng biyudo matapos itong ratratin at mapatay ng kanyang dating tauhan sa Barangay Dulo Bambang sa bayan ng Bocaue, Bulacan kahapon ng umaga.
Namatay habang ginagamot sa ospital ang biktimang si Florante Garcia, 59, habang tugis naman ng pulisya ang suspek na si Jericho Juada, dating tauhan at nakatira sa Barangay Antipona.
Sa police report na nakarating kay P/Supt. Diosdado Iniego, papauwi na ang biktima na lulan ng kanyang owner-type jeep (WLY 116) mula sa pondohan ng mga lamandagat nang harangin at pagbabarilin sa mukha pagsapit sa isang bahagi ng NIA road.
Sinamantala naman ng suspek na tangayin ang bag na naglalaman ng malaking halaga saka tumakas sakay ng motorsiklo (OU 87320).
Sa follow-up operation ng mga tauhan ni P/Insp. Ronie Pascua ay natunton ang motorsiklong ginamit sa pagtakas ng suspek, maging ang malaking halaga at baril ng biktima ay narekober.