Fashion designer dinedo; ka-live-in nag-suicide

MANILA, Philippines - Isang fashion designer ang iniulat na pinatay matapos na barilin ng kanyang  Australyanong ka-live-in bago nagbaril din sa sarili sa loob ng kanilang bahay sa Mandaue City, Cebu kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang fashion designer na si Joy Bernaldez, 52, habang nagbaril naman sa bibig ang ka-live nitong si Joseph Cardona, 53, kapwa nakatira sa Barangay Cabancalan sa nabanggit na lungsod.

Ang bangkay ni Bernaldez na nagtamo ng tama ng bala sa ulo ay natagpuan sa ikalawang palapag ng kanyang bahay habang si Cardona na nagbaril sa bibig ay natagpuan sa garahe.

Nabatid na si Bernaldez ay kilalang fashion designer na nagmamay-ari ng J Berns Exclusives, kompanyang itinayo nito simula noong siya ay 19-anyos pa lamang.

Lumilitaw sa pagsisiyasat na selos ang isa sa motibo ni Cardona para paslangin si  Bernaldez dahil sa madalas na pag-uwi nito ng gabi.

Napag-alamang na-ospital si Bernaldez sa Mandaue District Hospital may dalawang linggo na ang nakalipas matapos iuntog ni Cardona ang kanyang ulo dahil sa matinding argumento.

Sinasabing umakyat si Bernaldez sa kanyang kuwarto para mag-impake at iwan na si Cardona nang sundan at barilin sa ulo.

Matapos ay lumabas ang suspek at hinanap ang anak ng Bernaldez subalit nakatakas ito kasama ang mga anak at kasambahay kaya nagpasyang magbaril sa sarili.

Show comments