TUGUEGARAO CITY, Philippines — Isang taon na ang nakalipas (December 19) subalit hindi pa rin umuusad ang kasong criminal laban sa mga may responsibilidad sa pagkakasunog ng Bed and Breakfast Hotel na ikinasawi ng 16-katao sa Tuguegarao City.
Ito ang pahayag ni Regional Assistant State Prosecutor Ronnel Nicolas ng Department of Justice na nagsabing hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin nagsasampa ng kaso ang pulisya laban sa mga taong inirekomendang kasuhan.
Si Nicolas ang namuno sa investigative body na binuo ni Regional State Prosecutor Rommel Baligod upang madetermina ang mga dapat managot sa tragic hotel fire kung saan may 11 nursing graduates ang natusta.
Bagamat hindi pa umuusad ang criminal prosecution, sinabi ni Nicolas na kasalukuyan namang dinidinig ng Echague Regional Trial Court sa Isabela ang class suit para sa danyos na isinampa ng mga naulila ng mga biktima.
Bukod sa may ari ng hotel na sina Pete at Arceli Fondevilla, inirekomenda ng panel ni Nicolas ang pagsampa ng demanda sa mga pinuno ng Bureau of Fire Protection at mga opisyal ng Building at Licensing Department ng Tuguegarao City.
Lumilitaw na nagkaroon ng kapabayaan ang mga awtoridad sa naganap na sunog dahil sa kawalan ng fire escape, firefighting equipments, faulty wiring at walang kaukulang permit to operate.