Landslide: 5 nalibing nang buhay
MANILA, Philippines - Nalibing nang buhay ang lima-katao matapos na maguhuan ng lupa ang kanilang tahanan sa bahagi ng Mt. Diwalwal sa bayan ng Monkayo, Compostela Valley noong Biyernes ng hapon dahil sa patuloy na buhos ng ulan na epekto ng bagyong Sendong.
Ayon kay Antonio Cloma, chief ng Office of Civil Defense (OCD) Region 11, dakong alas-4 ng hapon ng maganap ang trahedya sa nasabing lugar.
Kinilala ni Cloma ang mga nasawi na sina Rosita de la Peña, Nasser Tuan, 6; Rakima Tuan, 4; Jolito Lumactod, 28; at si Asliya Tuan, 6.
Nabatid na bumigay ang lupa mula sa kabundukan sanhi ng patuloy na pag-ulan sa minahan na tumabon sa tahanan ng mga biktima sa paanan ng bundok.
Sinabi ni Cloma na patuloy ang kanilang babala sa mga residente na magsilikas kapag masama ang lagay ng panahon upang hindi mapahamak pero hindi nakinig ang mga residente sa nasabing lugar.
Kaugnay nito, binigyan na ng tulong ng lokal na pamahalaan ang pamilya ng mga nasawing residente.
- Latest
- Trending