NPA lumabag sa ceasefire: 5 sundalo utas

MANILA, Philippines - Limang sundalo ang nasawi habang dalawa pa ang nasugatan matapos na umatake ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa unang araw pa lamang ng idineklarang 18 araw na tigil putukan ng gobyerno sa naganap na insidente sa bayan ng Tandag, Surigao del Sur kahapon ng umaga.

Sa phone interview, tumanggi muna si Army’s 4th Infantry Division Spokesman Major Eugenio Julio Osias IV na isapubliko ang pangalan ng mga nasawing sundalo dahilan kaila­ngan pang impormahan ang pamilya ng mga ito.

Ayon kay Osias, bandang alas-5 ng umaga habang nagsasagawa ng Community Organizing for Peace and Development (COPD) ang tropa ng Bravo Company 36th Infantry Battalion nang paulanan ang mga ito ng bala ng mga rebelde.

Ang mga rebelde ay dumating sa lugar lulan ng isang Isuzu forward truck na nagmaniobra bago inatake ang mga sundalo na ikinasawi ng lima sa mga ito at isinugod naman sa pagamutan ang dalawa pang nasugatan.

Natangay ng mga rebelde ang isang K3 squad automatic weapon, isang M203, apat na M16 rifles, limang M14 rifles, isang Harris handheld radio at isang Harris man-packed radio.

Sa Camp Aguinaldo, ipinaabot naman ni AFP Chief of Staff Lt. Gen. Jessie Dellosa ang pakikiramay sa naulilang pamilya ng mga nasawing sundalo na isinakripisyo ang kanilang buhay at labis din nitong ikinalungkot ang insidente sa paglabag ng NPA sa tigil putukan.

Nitong Huwebes ay nagdeklara ng 18 araw na tigil putukan si Pangulong Benigno Aquino III sa hanay ng NPA rebels na inobserbahan nitong Biyernes at tatagal hanggang Enero 2 ng susunod na taon.

Show comments