SUBIC BAY FREEPORT, Philippines — Demoralisado ngayon ang may 3,000 contractual employees ng Subic Bay Metropolitan Authority dahil sa walang natanggap na productivity enhancement incentive bonus na ipinangako ni Pangulong Noynoy Aquino III.
“Labis ang panlulumo naming mga empleyadong contract of service sa SBMA dahil hindi man lamang kami nabiyayaan sa ipinangako ni PNoy,” sambit ng isang maintainance worker na tumangging isiwalat ang kanyang pangalan.
Ang nasabing PEI cash gift para sa mga empleyadong permanent status ay naipalabas na ng SBMA noon pang Disyembre 9 ngunit hindi kasama ang mga manggagawang kontraktuwal. Umasa ang mga kontraktuwal na susunod na silang bibigyan subalit ang naging katugunan lamang ng mga opisyal ay hindi kinikilala ang CS employees kaugnay sa guidelines ng Department of Budget Management (DBM) na “No Employee-Employer Relationship,” ang mga nasabing kawani.
“Matagal na kaming nagtitiis sa No Employee-Employer Relationship na ‘yan, at ilang pang benipisyo tulad ng SSS ay kami ang bumabalikat at walang share ang SBMA, ngayon maging ang productivity bonus ay hindi pa rin ba kami kasama,” malungkot na sambit ng mga manggagawa. “Marami sa mga lumang opisyal ng SBMA ang kapit-tuko sa posisyon dahil sila ang nagkakamal ng malalaking suweldo at maraming prebilehiyo subalit kung para sa mga ordinaryong kawani na ang usapin, kibit-balikat lamang ang mga iyan,” pahayag pa ng mga manggagawa.