4 carjacker tumba sa shootout
RIZAL, Philippines — Apat na kalalakihan na sinasabing miyembro ng notoryus na carjacking gang kabilang ang isang sinibak na pulis ang iniulat na nakipagbarilan at napatay ng mga operatiba ng pulisya at Highway Patrol Group kahapon ng madaling-araw sa bisinidad ng Blue Mountain Subd., Barangay Sta. Cruz sa Antipolo City, Rizal.
Kinilala ni PNP-HPG director P/Chief Supt. Leonardo Espina ang isa sa mga napatay na si Joel Sale Cuenca, napatalsik na pulis.
Bandang alas-2:30 ng madaling-araw nang makasagupa ng mga awtoridad ang mga armadong kalalakihan sa nasabing lugar.
Lumilitaw na kinarjack ng grupo ang Chevrolet van (XBN -353) nakaparada sa kahabaan ng Ortigas Avenue bandang alas-11:40 ng gabi kung saan tinutukan ng baril ang may-ari ng sasakyan.
Napag-alamang inabandona ang may-ari ng sasakyan sa masukal na bahagi ng Taytay, Rizal pero agad naman nitong ipinagbigay-alam sa pulisya ang insidente kaya naglatag ng checkpoint.
Bandang alas-2:20 ng madaling-araw nang maispatan ang kinarnap na sasakyan habang bumabagtas sa kahabaan ng Marcos Highway sa Antipolo City.
Tinangkang parahin ng mga awtoridad pero sa halip na sumailalim sa inspeksyon ay agad na pinaputukan ang mga pulis sa checkpoint.
Tinangka pang tumakas ng grupo subalit hinabol ng mga pulis kung saan sumiklab ang putukan sa pagitan ng magkabilang panig.
Bulagta kaagad ang tatlo habang ang isa naman ay namatay sa ospital.
Narekober sa pinangyarihan ng shootout ang kinarnap na van, cellular phone, ilang personal na kagamitan, apat na malalakas na kalibre ng baril.
- Latest
- Trending