CAMARINES NORTE, Philippines - Isang empleyado ng bangko ang nasugatan matapos na pagbabarilin ng motorcycle riding in tandem na tumangay sa P1.7 M halaga nang pagbabarilin ang sinasakyan ng mga itong pickup sa bahagi ng Libotom St., Naga City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang nasugatang biktima na si Benben Anonuevo, driver ng pickup, isinugod sa pagamutan upang malapatan ng lunas sa tinamong tama ng bala sa katawan.
Nagawang matangay ng hindi pa nakilalang mga armadong suspek ang P1.7M halaga, cell phone ng 2 empleyado ng Peñafrancia Rural Bank na sina Anonuevo at Rebecca Guinto-Ombao, 36-anyos, ng Naga City na pamangkin ng alkalde ng Vinzons, Camarines Norte.
Ayon sa pulisya, nag-withdraw ang dalawa ng P1.7M cash sa Banco de Oro na ilalaan sana sa kanilang rural bank ng sundan at pagbabarilin ng mga suspek na nakasuot ng helmet pagsapit sa nasabing lugar at puwersahang tangayin ang nasabing halaga.
Narekober naman ng pulisya bandang alas-7:25 ng gabi sa bahagi ng Brgy. Peñafrancia, Naga City ang motorsiklong ginamit ng mga holdaper.