QUEZON, Philippines — Nabahiran ng kalungkutan ang pagsalubong sa Kapaskuhan ng mga residente matapos masunog ang higanteng Christmas tree sa bahagi ng Perez Park, Barangay 9 sa Lucena City, Quezon kamakalawa ng gabi.
Ito’y ilang araw bago mag-umpisa ang Simbang Gabi na bahagi ng pinaghandaan ng lokal na pamahalaan at ng mga residente kaugnay ng nalalapit na pagdiriwang ng Kapaskuhan.
Base sa ulat ng pulisya, pasado alas-5:15 ng hapon nang magsimulang magliyab ang giant Christmas tree na may sukat na 56 talampakan at 300 Christmas lights sa sentro ng Perez Park.
Nasaksihan naman ng vendor na si May Castrojeres ang insidente dahil malapit lamang sa kaniyang stall ang Christmas tree kung saan nag-spark ang koneksyon ng linya ng kuryente hanggang sa umusok at magliyab.
Tinangka naman ng ilang mga bystander na maapula ang apoy subalit mabilis ang naging pagkasunog nito dahil may materyales itong bunot ng niyog na sagisag ng kabuhayan sa Quezon.
Bandang alas-6:15 na ng gabi ng maapula ang apoy pero walang naisalba ni isa sa mga mamahaling dekorasyon ng giant Christmas tree na atraksyon sa Kapaskuhan lalo na sa mga batang namamasyal sa park.
Sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na nag-short circuit sa koneksyon ng linya ng kuryente na nakakabit sa 300 Christmas lights ang pinagmulan ng apoy kung saan aabot sa P350,000 halaga ng pinsala. Tony Sandoval at Joy Cantos