Australyano kinidnap sa Zambo
MANILA, Philippines - Inilatag na ang search and rescue operation sa Australyanong dinukot ng mga armadong kalalakihan sa bahagi ng Brgy. Upper Pangi sa bayan ng Ipil, Zamboanga Sibugay noong Lunes ng gabi.
Ang pagdukot kay Warren Rodwell, 56, retiradong Australian Army ay naganap ilang oras matapos itatag ang Joint Task Force Zamboanga-Basilan upang tugunan ang lumalalang kidnapping na kadalasang sangkot ay mga bandidong Abu Sayyaf Group sa Zamboanga City at iba pang lugar sa Zamboanga Peninsula.
Sa Camp Crame, sinabi ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome na nagpalabas na siya ng direktiba upang tugisin ang mga kidnaper katuwang ang tropa ng militar.
Ayon kay P/Director Felicisimo Khu, directorate for police operations Western Mindanao bandang alas- 6 ng gabi nang dukutin ang biktima sa kanyang bahay sa Greenmeadows Subdivision.
Inihayag ng opisyal na posibleng nasugatan ang biktima base sa nakitang mga patak ng dugo kung saan ito dinukot.
Nabatid na ang biktima ay nakapag-asawa ng Pinay na residente sa nasabing lugar.
- Latest
- Trending