Holdap: Driver, konduktor bulagta

MANILA, Philippines - Napatay ang driver at konduktor ng bus matapos pagbabarilin ng isang lalaki na nangholdap at nanghostage pa ng mga pasahero sa pampasaherong bus sa bayan ng Pigkawayan, North Cotabato noong Lunes ng gabi.

Kinilala ang mga biktima na sina Boboy Valdevieso, driver ng Weena Bus (MVW 364) at ang kondukor nitong tinukoy lamang sa pa­ngalang Bael.

Sa imbestigasyon, lumi­litaw na sumakay sa bus na patungong Cotabato City ang suspek na si Melico Lavania sa gasolinahan sa Brgy. North Manuangan.

Gayon pa man, hindi pa nag-iinit sa upuan ang suspek ay binaril nito ang konduktor na si Bael matapos magdeklara ng holdap kung saan mabilis namang sumaklolo ang driver na si Valdevieso subalit niratrat din.

Rumesponde naman ang mga awtoridad kaya hinostage ng suspek ang siyam na pasahero.

Kinordon ng pulisya ang lugar at matapos ang negosasyon ay sumuko na rin ang suspek kung saan nahaharap ngayon sa kasong kriminal.

Show comments