CAMARINES NORTE, Philippines — Matagumpay na nailunsad ni First Lady Josie Tallado ang programang Run for Humanity ng Philippine National Red Cross-Camarines Norte chapter na pinasimulan sa harapan ng kapitolyo kahapon ng umaga sa bayan ng Daet. Bandang alas-7 ng umaga ibinigay ang hudyat ni Camarines Norte Governor Edgardo “Egay” Tallado para simulan ang 5 kilometrong fun run patungong Bagasbas Beach kung saan umaabot sa 1,000 katao ang lumahok. Kabilang sa mga lumahok ay ang mga kawani ng lokal na pamahalaan, kapulisan, sundalo ng Phil. Army, BFP, estudyante, fraternities at civic groups kabilang si Daet Mayor Tito Sarion. Bagamat bumuhos ang malakas na ulan ay hindi natinag ang mga kalahok hanggang sa makarating sa finish line sa harapan ng Bagasbas Beach. Nabatid na pinakamaraming lumahok sa Run for Humanity ang Camarines Norte batay sa nakalap na impormasyon ng PNRC. Ikinagalak naman ng Chairwoman Tallado ang pagkakaisa ng taumbayan sa pagnanais na may maibahaging tulong sa mga nangangailangan ng dugo at sa makasaysayang okasyon ng Philippine National Red Cross ang International Years of Volunteers.