CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines – Nagwakas ang matayog na pangarap ng isang 14-anyos na mag-aaral na makapagtapos sa high school matapos itong mapatay sa naganap na madugong rambol sa loob ng campus ng eskuwelahan sa bayan ang Sto. Domingo, Nueva Ecija noong Biyernes.
Kinilala ng pulisya ang napatay na estudyante na si Marvin Lopez ng Purok 3, Barangay Pulong Buli sa nabanggit na bayan.
Ayon sa pulisya, ang kaguluhan ay naganap sa school compound ng Julia Ortiz Luiz National High School sa Barangay Sagaba sa nasabing bayan.
Lumilitaw na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at dalawa pang estudyante sa nasabing campus kung saan nauwi sa rambulan.
Sinasabing nawalan ng malay-tao ang biktima dahil sa matinding sugat sa katawan partikular sa ulo kaya isinugod sa Sto. Domingo District Hospital subalit namatay habang ginagamot.
Nadakma naman ng pulisya ang dalawang suspek na kapwa 14-anyos subalit pansamantalang hindi isiniwalat ang pagkakakilanlan dahil sa mga menor-de-edad. The Phil. Star News Service