6 Koreano, 17 Pinoy tiklo sa on-line dog fighting
CAVITE ,Philippines — Rehas na bakal ang binagsakan ng 6 Koreano at 17 Pinoy sa isinagawang raid ng mga pulis sa on-line dog fight betting station sa Barangay Mahabang Kahoy Circa sa bayan ng
Indang, Cavitekamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Senior Supt. John Bulalacao, Cavite PNP director ang mga Koreanong suspek na sina Kim Jeong Py, 40; Kim Su Jeong, 27; Kim Sang Hyun, 28; Kang Jun Ho, 28; Lee Han Gu, 33; at si Kim Min, 31, pansamantalang nanunuluyan sa Summit Ridge Hotel sa Tagaytay City, Cavite.
Arestado rin ang 17 Pinoy na tagapag-alaga ng mga asong pitbull na kasalukuyang nakapiit sa Cavite Police Provincial Office sa bayan ng Imus, Cavite.
Ayon sa ulat, nakakuha ng impormasyon ang mga awtoridad kaya inilatag ang operasyon sa pangunguna ni P/Chief Insp. Gil Torralba, deputy chief ng Cavite Intelligence Bureau at representante ng Animal Kingdom Foundation na si Ronald Sariego.
Nasamsam ng raiding team sa warehouse ang ilang electronic material kabilang ang 2 yunit na computer, speakers, microphones, headsets, camera, amplifiers, score boards at 252 asong pitbull. “Ang modus ng operation nila sa website at kung gusto mong pumusta sa pitbull makikita mo ang pictures online at pwede ka nang tumaya doon pag pinaglaban ang dalawang aso habang pinapanood mo live on-line,” pahayag ni Major Torralba.
Ilalagay naman sa pangangalaga ng Animal Kingdom Foundation ang mga nalambat na aso samantalang kakasuhan naman ang mga suspek sa paglabag sa Section 6, RA 8485 (Animal Welfare Act of 1998).
- Latest
- Trending