MANILA, Philippines - Anim-katao ang iniulat na sinalubong ni kamatayan matapos malason sa kinaing butete sa liblib na bahagi ng Barangay Bolod sa bayan ng San Pascual, Masbate, ayon sa pulisya kahapon.
Kabilang sa mga namatay ay sina Catalino Esplana, 60; Vicente Hawili, 18; Eden Ello, 65; Pascual Ello; 77; at ang dalawang tinukoy lamang sa pangalang Sonia, 70; at Mahanitoy, 35.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Heriberto Olitiquit, acting Masbate PNP director, bandang alas-9 ng gabi kamakalawa nang marekober ang naninigas ng bangkay ng mga biktima sa hapag-kainan sa loob ng kanilang bahay.
Lumilitaw na magkakasalo pa sa pananghalian ang mga biktima na iniulam ay ginataang butete.
Gayon pa man, ayon sa report, matapos makapananghalian ay namanhid ang katawan mga biktima, nagsuka, sumakit ang ulo at tiyan hanggang sa mamatay base sa indikasyon sa dinatnan ng pulisya na magulo at maruming tahanan ng mga ito gayundin sa kondisyon ng bangkay.
Nadiskubre rin na butete ang kinain ng mga biktima dahil sa pinaglinisan ng isda at may konti pang natirang ulam sa kaldero sa kusina.
Ang butete ay ipinagbabawal kainin dahil nagtataglay ito ng lason na nakamamatay.