RIZAL, Philippines – Nagwakas ang pagiging notoryus killer ng isang 30-anyos na lalaki na sinasabing pangunahing suspek sa pagpatay sa apat na pulis at isang reporter makaraang mapatay sa pakikipagbarilan sa mga pulis sa bayan ng Taytay, Rizal kahapon ng umaga.
Kinilala ni P/Senior Supt. Manuel Cesar Prieto, Rizal PNP director ang napatay na si Oliver Taib, 30, ng Lupang Arienda sa Barangay Sta. Ana sa nasabing bayan. Nabatid na natunugan ng mga pulis na nagkukuta si Taib sa nasabing lugar kaya nagsagawa ng operasyon para isilbi ang anim na warrant of arrest sa kasong murder. Imbis na sumuko ay nakipagbarilan at napatay si Taib sa pangkat ng PNP.
Ayon kay P/ Supt. Arthur Masungsong, hepe ng Taytay PNP, kabilang sa mga pulis na napatay ni Taib ay sina PO3 Romeo Maglinao, PO3 Urbano Enero na kapwa binaril sa ulo noong February 11, 2007 sa bahagi ng Lupang Arienda habang sina PO1 Virgilio Dela Cruz at ang reporter ng isang tabloid na si Tiburcio “Jojo” Trajano ay napatay noong Hunyo 3, 2009 habang si PO2 Hector Sabile naman napatay noong 2010.