9-anyos niratrat ng kapitbahay

MANILA, Philippines - Dahil sa matinding galit matapos na pagbantaang papatayin ang kaniyang alagang aso, isang mister ang nag-amok  at nama­ril na ikinasawi ng isang 9-anyos na totoy habang sugatan naman ang mga magulang nito sa Sitio Kabulihan sa Barangay Guba, Cebu City, kamaka­lawa ng gabi.

Kinilala ang nasawi na si Jasper Ceniza, Grade III pupil na tinamaan sa dibdib habang sugatan naman ang mag-asawang Reynaldo Ybañez, 38; at Cristina Ceniza Ybañez, 27. Tugis naman ng pulisya ang suspek na si Junrey Andrecoso, kapitbahay ng pamilya Ybañez.

Sa police report, lumilitaw na magkakatabing natutulog ang pamilya Ybañez nang pagbabarilin ng nagwalang suspek. Bago ang insidente ay nag-away sina Andrecoso at  Ybañez matapos na makagat ng aso ng suspek si Jasper.

Nagbanta ang matandang Ybanez na papatayin ang aso ng kapitbahay. Gayon pa man, hindi pa man nakakaganti si Ybañez ay inunahan na ito ng suspek matapos na pagbabarilin ang kanilang tahanan na ikinasawi ng bata.

Show comments