Ama inutas sa saksak ng anak

TUGUEGARAO CITY, Philippines – Napaslang ang isang 43-anyos na ama matapos saksakin ng kanyang anak dahil sa matinding galit kamakalawa ng gabi sa Barangay Bani sa bayan ng Bacarra Ilocos Norte.

Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Marlou Chan, kinilala ang napatay na si Jerry Magaoay habang naaresto naman ang suspek na si Jeremy Magaoay, 20, kap­wa nakatira sa Barangay Pipias.

Nabatid na magkasamang nag-iinuman ang mag-ama sa harap ng mini-grocery at nang malango ay nagsimulang maghimutok ang nakababatang Magaoay kaugnay sa pagmamaltrato ng biktima.

Dito na nagsimulang magkainitan ang mag-ama hanggang sa mapatay sa saksak ang biktima kung saan naisugod pa sa Bacarra Medical Center subalit idineklarang patay ang negosyanteng si Jerry.

Lumilitaw naman sa inis­yal na imbestigasyon na nagtanim ng matinding sama ng loob ang suspek sa sarili nitong ama dahil sa madalas na sermon. Raymund Catindig at Joy Cantos

Show comments