QUEZON, Philippines — Bumagsak sa kamay ng pulisya ang apat na miyembro ng kidnap-for-ransom (KFR) group matapos kidnapin ang negosyanteng bumbay sa bisinidad ng Barangay Lagalag sa bayan ng Tiaong, Quezon kahapon ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Gurnek Singh y Kaur, 36, nakatira sa bayan ng Tiaong, Quezon at may negosyong buy and sell.
Samantala, sumasailalim naman sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Nilo Tadua, Philip Miranda, Jayson Tina at Jake Calayag habang tugis naman ang isa pang suspek tangay ang motorsiklo ng biktima.
Lumilitaw na bandang alas-8:20 ng umaga, tinangkang dukutin ng mga suspek si Gurnek Singh kung saan isinakay sa kotseng Mitsubishi Lancer bago pinalo ng baril sa ulo subalit nakatakas kahit may sugat.
Nakahingi naman ng tulong sa pulisya ang biktima kaya sa utos ng PNP provincial director na si P/Senior Supt. Ericson Velasquez ay inilatag ang operasyon ng mga operatiba ng Quezon Provincial Public Safety Company na pinangungunahan ni P/Chief Insp. Allen Rae Co, 415th company commander, kasama ang kapulisan ng Candelaria at Tiaong.
Nadakma naman ang mga suspek sa bahagi ng Barangay Poblacion sa bayan ng San Juan, Batangas bandang alas-4:30 ng hapon. Narekober sa mga suspek ang Mitsubishi Lancer maroon (TEV 376), 2 cal. 45 pistola, 1 cal. 38 revolver, tali, packaging tape at 2 itim na bonnet.