LEGAZPI CITY, Albay ,Philippines – Pinatay sa sakal ang isang 28-anyos na dalaga na sinasabing hinalay pa ng kanyang dating nobyo sa Barangay Cruzada sa Legazpi City, Albay kahapon ng umaga. Bandang alas-6 ng umaga nang matagpuan sa may 15 metro ang layo mula sa kanilang bahay sa nasabing barangay ang bangkay ni Maria Sarah Aragon. Nasakote naman ang suspek na si Vincent Natividad, 38, kapwa miyembro ng Tau Gamma Phil Fraternity at nakatira sa Barangay Taysan. Nabatid sa mga kaanak ng biktima na 10 taong magkasintahan ang dalawa bago kumalas ang biktima sa hindi nabatid na dahilan. Sa ulat ng hepe ng pulisya na si P/Supt. Oscar Regala, huling namataang buhay ang biktima na nakikipagtalo sa suspek na sinasabing sinusuyo ang dalaga para muling magkabalikan. May teorya ang pulisya na hinalay muna ang biktima dahil nakababa ang pantalon at panty nito saka pinatay sa sakal at inabandona sa loob ng Central City Subd.