Dyipni nag-dive: 9 malubha

QUEZON ,Philippines  – Siyam-katao ang iniulat na malubhang nasugatan makaraang mahulog sa mababaw na bangin ang pampasaherong jeepney sa old zigzag road, Barangay Malinao Ilaya, sa bayan ng Atimonan, Quezon kamakalawa ng umaga. Kasalukuyang ginagamot sa Doña Marta Hospital ang mga sugatang sina Christian Velasco, 32, driver; Leonardo Deseo, 28; Belinda Roxas, 51; Menandro Paison, 47; Maria Jessa Roxas, 24; Camille Ibalan, 18; Jade Sairon Paisan, 3; Mark Gil Paisan, 19; at si Noli Oribiana, 25, pawang nakatira sa bayan ng Plaridel, Quezon. Batay sa ulat ni PO2 Oliver Andrey, lulan ng Isuzu jeepney (DWY 914) ang mga biktima na patungo sa bayan ng Plaridel mula sa Bulacan nang salpukin ng van (WPT 9191) ni Franklin Maloles ng Camarines Sur. Nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng jeepney na si Velasco at tuluyang nag-dive sa bangin na may lalim na 20 talampakan habang naaresto naman ang driver ng van.

Show comments