CAMARINES NORTE — Nalalagay sa balag ng alanganing masibak sa serbisyo at makasuhan ang tatlong pulis na nakatalaga sa Provincial Intelligence Section sa Camp Wenceslao Q. Vinzons Sr. sa Brgy Dogongan sa bayan ng Daet dahil sa pagkakasangkot nito sa pamamaril sa chief security ni Camarines Norte Governor Edgardo Tallado noong Biyernes ng Nobyembre 4.
Ayon kay Gov. Tallado, ang tatlong pulis na kinilala sa apelyidong Poblete, Magana at Bares ay isinangkot sa krimen matapos lumabas ang kanilang mga pangalan sa cell phone na nakuha sa napatay na gunman na si Juan Villegas Igos ng Brgy Poblacion, Labo, Camarines Norte.
Sugatan naman ang chief security na si (Ret.) SPO1 Ronnie Bardon matapos pagbabarilin sa bahagi ng Brgy. Lagon, Daet.
Nabatid na sina Bares at Magana ay pansamantalang nasa PNP regional office makaraang sibakin ni P/Senior Supt. Roberto Fajardo.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Fajardo mula sa Provincial Peace and Order Council Meeting, si Poblete ay takot na lumantad dahil sa banta sa buhay.
Sa kasalukuyan ay wala pang ibinibigay na ulat ang PNP Crime Lab sa Camarines Norte na sinasabing ang baril na nakuha sa crime scene ay pag-aari ng pulis habang nagsasagawa na rin ng hiwalay na imbestigasyon ang National Bureau of Investigation.
Una nang ipinahayag ni Gov. Tallado na ang posibleng ugat ng pamamaril ay may kinalaman sa kanilang kampanya laban sa bawal na droga.