MANILA, Philippines - Patay ang isang mangingisda habang anim pa ang nasugatan makaraang aksidenteng magbanggaan ang isang Super Ferry passenger vessel at kasalubong nitong bangkang pangisda sa Sarangani Bay kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ni Supt. Edgard Cuanan, Regional Chief ng PNP-Maritime Group 12, kasalukuyang naglalayag ang M/V Super Ferry 20 sa karagatan ng Brgy. Tinoto, Maasim, Sarangani dakong ala-1 ng madaling-araw ng makabanggan ang bangkang pangisdang M/B San Jose Bayanihan.
Sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon ang pitong mangingisda sa dagat kung saan isa sa mga ito ang sinawimpalad na masawi sa trahedya habang anim naman ang sugatang nailigtas.
Unang napaulat na nawawala ang mangingisdang si Giovanni Buntong, 60-anyos pero narekober rin ng rescue team ang bangkay nito matapos ang tatlong oras na paghahanap sa Sarangani Bay.
Kinilala naman ang mga nasagip na sugatang mangingisda na sina Joseph Gediones, Bryan Enero, Marjun Kirames, Junito Mendoza, Regalado Caceller at Rex Polawing; pawang isinugod na sa pagamutan para malapatan ng lunas.
Base sa pahayag ng mga survivor kasalukuyan silang nangingisda sa lugar nang biglang banggain ng paparating na Super Ferry 20 ng Aboitiz Transport System na patungong Maynila ang kanilang sinasakyang bangka na grabeng nawasak sa insidente.