Dilubyo sa Aklan, Capiz
MANILA, Philippines - Lumubog sa tubig-baha ang siyam na bayan sa lalawigan ng Capiz at anim na munisipalidad naman sa Aklan kung saan isa ang naitalang nasawi sanhi ng pag-ulan na nagdulot din ng landslide, ayon sa opisyal kahapon.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council, dakong alas-10 ng umaga ay nagsimulang rumagasa ang tubig-baha sa mga apektadong bayan sa Capiz at Aklan sa Visayas Region dulot ng malalakas na pagbuhos ng ulan.
Kabilang ang siyam na munisipalidad na may 58 barangay ang sinalanta ng tubig-baha sa Capiz na kinabibilangan ng mga bayan ng Jamindan, Sigma, Mambusao, Maayon, Dumarao, Dumalag at iba pa. Anim namang munisipalidad sa lalawigan ng Aklan na nakaapekto sa 12 Barangay ay ang bayan ng Balete, Banga at Batan.
Hindi madaanan ng mga behikulo ang national highway sa mga Brgy. Calizo, Poblacion, Aranas, Feliciano sa bayan ng Balete, Aklan patungong Kalibo at Banga, Aklan dahil ga-beywang na tubig-baha. Hindi rin madaanan ng maliliit na sasakyan ang Brgy. Tumalalud Road, Mambusao, Capiz patungong Jamindan, Capiz.
Nawalan naman ng supply ng kuryente sa mga Barangay Poblacion, Calizo, Feliciano, Aranas, Cortes at sa Barangay Morales na pawang nasa bayan ng Balete, Aklan. Samantala, kinilala naman ang nasawi na si Nemia Cuales ng Sitio Bangbang Calizo, Balete, Aklan habang sugatan naman ang mister nitong si Efren Cuales at si Gliceria de los Santos, 66,ng Brgy.Marambong, Pandan, Catanduanes dahil sa landslide.
- Latest
- Trending