Mag-asawa, apo dedo sa kuryente
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Napaaga ang kamatayan ng mag-asawa at apo nila matapos makuryente sa loob mismo ng kanilang bahay sa kasagsagan ng malakas na ulan sa Barangay Villahermosa sa bayan ng Daraga, Albay noong Martes ng hapon.
Kinilala ni P/Senior Insp. Nilo Berdin, Daraga police chief ang mga nasawi na sina Gonzalo Mangampo, 70; Josefina Mangampo, 69; at ang kanilang apo na si Jerich Mangampo, 11.
Lumilitaw na nilagyan ni Gonzalo ng linya ng kuryente ang pader na bakod na may barbed wire para hindi makapasok ang di-kilalang kalalakihan na umaakyat sa bakod para magnakaw ng mga pananim na gulay at prutas.
Naging depensa rin ang linya ng kuryente sa grupo ng Akyat-Bahay Gang na nanamantala kapag umaalis ng bahay ang mag-asawa at kanilang apo.
Napag-alamang nagreklamo na sa himpilan ng pulisya ang mag-asawa laban sa mga di-kilalang kalalakihan na pumasok sa kanilang bakuran at ninakaw ang mga pananim na gulay at ilang personal na gamit.
Gayon pa man, nakalimutan ni Gonzalo na alisin sa main switch ang koneksyon ng linya ng kuryente sa loob ng bahay kaya pagpasok nila sa mismong bakuran habang bumubuhos ang malakas na ulan ay magkakasunod na nakuryente ang mga biktima na sinasabing nahawakan ang dulo ng barbed wire na may kuryente.
- Latest
- Trending