2 pulis bulagta. Duwelo sa himpilan ng pulisya
MANILA, Philippines - Matapos magduwelo sa loob ng himpilan ng pulisya, dalawang pulis kabilang na ang hepe ng pulisya ang iniulat na nasawi noong Lunes ng tanghali sa bayan ng Bayabas, Surigao del Sur.
Kinilala ni P/Supt. Martin Gamba, tagapagsalita ng PRO 13 ang dalawang pulis na sina P/Inspector Edgardo Dico, hepe ng Bayabas MPS, ng Carmen, Surigao del Sur; at PO3 Lord Anthony Lerin ng Tandag City.
Si Dico na nagtamo ng tama ng bala sa tiyan ay idineklarang patay sa Adela Serra Ty Hospital habang si Lerin na nakabarilan ng kanyang hepe ay nagtamo ng tama sa balikat at itaas na bahagi ng hita kung saan nasawi kahapon lamang.
Sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-12:05 ng tanghali nang magkasagutan ang dalawa sa loob ng himpilan ng Bayabas MPS kung saan sinasabing malimit lumabag sa alituntunin si Lerin.
Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang hepe at ng tauhan nitong si Lerin kaugnay sa mga polisiya gayundin sa mga patakaran sa himpilan na nauwi sa duwelo.
Nagulantang na lamang ang mga kasamahan pulis sa himpilan nang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril kung saan kapwa duguang bumulagta ang dalawa.
- Latest
- Trending