MANILA, Philippines - Sa paniniwalaang magdudulot ng suwerte ang numerong 11-11-11 (Nob. 11, 2011) ay kamalasan ang inabot ng 200 pamilya matapos masunog ang kanilang mga tahanan sa Sitio Pulangbato, Barangay Alang-alang sa Mandaue City, Cebu noong Biyernes ng hapon.
Sa report ng Mandaue City Fire Department, aabot sa 60 kabahayan ang nilamon ng apoy habang naitala naman sa 80 hanggang 100 pang kabahayan ang nagtamo ng pinsala.
Ayon kay SFO2 Roy Garcia, nagsimula ang sunog sa kisame ng bahay ni Pacita Mansueto kung saan mabilis na kumalat sa mga kalapit nitong kabahayan.
Mabilis namang nagresponde ang mga bumbero at naapula ang apoy matapos ang 43-minuto.
Samantala, wala namang nasugatan at nasawi sa insidente kung saan aabot sa P 400,000 halaga ng ari-arian ang naabo.
Pansamantalang tumuloy ang mga naapektuhang pamilya sa may 6.5 relocation project sa Barangay Pakna.