Laguna shootout: 4 hijacker tumba
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines - Napaslang ang apat na kalalakihan na miyembro ng notoryus na hijacking group makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng San Pedro PNP at Task Force Mavericks ng Criminal Investigation and Detection Group sa bahagi ng Victoria Road, Barangay San Antonio sa bayan ng San Pedro, Laguna kahapon ng madaling-araw.
Dalawa sa mga napatay na hijacker base sa nakuhang identification card ay sina Joseph Alipio ng Bicutan, Taguig City at Alberto Cahanding Jr., 37, ng Bagumbayan, Taguig City .
Ang apat ay miyembro ng Ferrer hijacking syndicate.
Ayon sa report, sakay ng delivery truck (RJK-787) at Isuzu Crosswind (XFJ-165) na kargado ng 192 yunit ng flat screen LCD television (P1M) nang masabat ng mga operatiba ng pulisya sa Victoria Road sa Barangay San Antonio bandang alas-3:45 ng madaling-araw.
Nang parahin sa checkpoint ang mga suspek, ay sunud-sunod na putok ng baril ang umalingawngaw kung saan gumanti naman ang mga pulis hanggang sa mapatay ang apat.
Napag-alamang dadalhin sana ang kargamento sa Maynila mula sa industrial park sa Cavite nang haydyakin ito sa bahagi ng Centennial Road sa bayan ng Kawit, Cavite noong Martes ng madaling-araw.
Ayon kay P/Supt. Kirby John Kraft, San Pedro police chief, iginapos ang dalawang driver at pahinante ng dalawang sasakyan saka inabandona sa bahagi ng Barangay Kaong sa bayan ng Silang, Cavite kung saan nakahulagpos at nakahingi ng tulong sa pulisya.
Narekober sa encounter site ang M16 rifle, Carbine, Ingram at cal. 45 pistol na gamit ng mga suspek habang patuloy naman ang pagtugis sa nalalabi pang kasamahan ng apat.
- Latest
- Trending