MANILA, Philippines - Nagulantang ang mga residente matapos na matagpuan ang bangkay ng sanggol na lalaki na isinako saka inabandona sa dumpsite sa Barangay Felisa, Bacolod City kamakalawa ng hapon. Sa police report na nakarating kahapon sa Camp Crame, dakong alas-5:30 ng hapon nang matagpuan ng basurerong si Aquilino Perez, 59, ang sako na ibinaba ng dump truck na may mga kargang basura. Sa pag-aakalang mga scrap metal na maaring ibenta sa junkshop ay tuwang-tuwa si Perez kay kaagad na binuksan ang sako. Gayon pa man, biglang binalot ng takot ang basurero nang madiskubreng isa itong patay na sanggol na lalaki na nasa shopping bag bago isinako. Pinaniniwalaang bagong panganak ang duguang sanggol dahil may umbilical cord sa kaniyang pusod.