BAGUIO CITY, Philippines – Sa hindi inaasahang pagkakataon ay natagpuan kahapon na naglalayag sa karagatan ng Pangasinan ang napaulat na barkong lumubog kasama ang 20 tripulante kamakalawa sa Ilocos Norte.
Ang Panamanian-registered MV Oceanic Union na patungong Subic Bay mula sa Shanghai, China ay unang napaulat noong Sabado na lumubog subalit natagpuan kahapon ng search and rescue operation na naglalayag sa karagatan ng Dasul sa Pangasinan, ayon kay Lt. Jr. Grade Dennis Rafal ng Philippine Coast Guard.
Lumilitaw na inalerto ng Hong Kong Maritime Rescue Coordinating Center ang Phil. Coast Guard na ang nasabing barko ay lumubog base sa radio message na kanilang nakalap mula sa kapitan.
Subalit sa patuloy na paghahanap ng islander aircraft rescue mission sa nasabing karagatan ay namataan nito ang barko na naglalayag.
Gayon pa man, sinuspinde na ang search and rescue operation ng mga awtoridad habang pina-eskortan naman ng PCG ang cargo vessel patungong Subic Bay, ayon pa kay Lt Sr. Grade Rafal.