MANILA, Philippines - Dalawampung tripulante ang iniulat na nawawala makaraang lumubog ang Panamian cargo vessel habang naglalayag sa bahagi ng karagatan ng Ilocos Norte kahapon ng umaga.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, patuloy na sinusuyod ng mga elemento ng Philippine Coast Guard, PNP Maritime Group at Philippine Navy ang nasabing karagatan upang iligtas ang mga tripulante ng MV Oceanic Union cargo vessel.
Bandang alas-10 ng umaga nang makatanggap ng text message ang pulisya mula sa PCG sa Currimao hinggil sa mensahe ng Hong Kong Maritime Rescue Coordinating Center sa ‘distress call’ ng kapitan ng barko na nagdeklara na abandonahin ito matapos na unti-unti nang lumubog sa karagatan.
Bunga ng insidente ay nag-request ng ambulansya ang PCG habang patuloy na ginagalugad ang karagatan katulong ang PNP Maritime Group at Philippine Navy upang sagipin ang buhay ng nawawalang mga tripulante ng Panamian cargo vessel.
Samantala, inalerto na rin ng PNP ang mga himpilan ng pulisya sa Laoag City, Burgos at Pasaquin na nasa Ilocos Norte upang tumulong sa PCG na nagsasagawa ng rescue operation.