LAGUNA, Philippines — Binatikos ni Mayor Calixto R. Cataquiz ng San Pedro, Laguna ang mga mali at binaluktot na balita sa lumabas sa ilang pahayagan at sa Internet kaugnay sa desisyong ibinaba ng Korte Suprema na may kinalaman sa kasong administratibo na isinampa sa kanya noong siya ay general manager ng Laguna Lake Development Authority (LLDA).
Hindi binanggit sa desisyon ng Korte Suprema ang “perpetual disqualification from public office” gaya nang ibinalita ng ilang pahayagan at lumabas sa Internet kundi tungkol lamang sa re-employment niya sa government service.
“Ang binaluktot na interpretasyong ito ng desisyon ng Korte Suprema ay sinadsadyang sirain ang aking posisyon ibang alkalde ng San Pedro,” pahayag ni Mayor Cataquiz.
Idinagdag pa ni Mayor Cataquiz na sinakyan ng kanyang mga kalaban sa politika ang maling interpretasyong ito upang sirain ang kanyang panunungkulan at lituhin ang taumbayan sa loob at labas ng San Pedro at paniwalain na bababa na siya sa tungkulin.
Matapos ang ilang linggo na ibaba ang hatol ng Korte Suprema, hindi naman pinigilan sa pagganap sa tungkulin si Mayor Cataquiz ng anumang kautusan o kaya notice to vacate his position mula sa kinauukulang ahensya ng pamahalaan.