3rd year accounting student ni-rape slay

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines – Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang 3rd year accounting student ng Bicol University makaraang hatawin ng matigas na bagay sa ulo ay ginawan pa ng maitim na balak sa liblib na bahagi ng Purok 2, Barangay Bascaran sa bayan ng Daraga, Albay kahapon ng madaling-araw.

Bandang alas-5 ng uma­ga nang matagpuan ang duguang katawan ni Laesybil Lim “Apple” Almonacid, 19, dalaga, may 50 metro lamang ang layo sa kampo ng 22nd Infantry Battalion ng Phil. Army.

Sa ulat ng pulisya, walang saplot sa ibabang bahagi ng katawan ang biktima na pinaniniwalaang hinalay muna bago hinampas ng matigas na bagay sa ulo.

Huling namataang buhay ang biktima nang magpaalam sa kanyang mga magulang na bibisita sa kanyang tiyuhin at kaibigan.

Lumilitaw din sa imbestigasyon na inihatid ang biktima ng kanyang tiyahin sa bahay ng kanilang lola kung saan nagpaalam na tutungo naman sa kanyang kaibigan bago umuwi.

Subalit gumagapang na ang dilim sa kalawakan hanggang sa sumikat ang araw ay hindi ito nakauwi kaya nag-alala at hinanap ng kanyang mga magulang kung saan sa pag-aakalang nakitulog ito sa bahay ng kanyang kaibigan.

Sa paghahanap ay natagpuan ang bangkay ng biktima may ilang metro lamang ang layo sa kanilang bahay habang patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya.

Show comments