Ama ni Charice Pempengco itinumba
CAMP VICENTE LIM, Laguna , Philipppines – Marahas na kamatayan ang sinapit ng ama ng sikat na singer na si Charice Pempengco matapos pagsasaksakin ng dating kabarangay nito sa bayan ng San Pedro, Laguna noong Lunes ng gabi.
Kinilala ni P/Supt. Kirby John Kraft, San Pedro police chief ang biktimang si Ricky Pempengco, 39, construction worker, ng Barangay Laram at ama ng YouTube at TV show “Glee” star na si Charice Pempengco.
Base sa police report, nakikipag-inuman ang biktima sa kanyang mga kaibigan nang sandaling bumili ito ng sigarilyo sa kalapit na tindahan bandang alas-9 ng gabi.
Kaagad na nilapitan ng suspek na si Angel Capili Jr. at pinagsasaksak gamit ang 12-pulgadang icepick.
Napag-alamang may matagal nang alitan ang suspek at ang biktima matapos magkabanggaan ito sa isang libing anim na taon nang nakalilipas.
“ May sinabihan si Capili na isang barangay tanod na parang binabalewala siya ni Ricky na isa n’yang dating kababayan,” pahayag ni P/Supt. Kraft
Si Capili ay kasalukuyang nakatira na sa Cavite at nanirahan sa Barangay Laram, San Pedro kung saan n’ya nakilala si Pempengco.
Ayon sa mga kaanak ni Pempengco, nakakaranas ang biktima ng depression matapos iwan ng kanyang asawang si Raquel at mga anak dahil sa madalas na pagwawala nito kapag nalalasing
Pinaghahanap na ng pulisya si Capili makaraang tumakas matapos ang insidente.
Kasunod nito, naglaan na ng P.1 milyong pabuya sina Laguna Governor Jorge Ejercito Estregan (P30,000), San Pedro Mayor Calixto Cataquiz (P50,000), at si P/Supt. Kirby John Kraft (P20,000), hepe ng San Pedro PNP sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa pinagkukutaan ng suspek na si Capili.
Charice Pempengco naglabas ng sama ng loob
Samantala, sa twitter account, naglabas ng sama ng loob si Charice sa kaniyang mga kapatid sa ama na ayaw siyang payagang dumalaw at pinagsabihan ring huwag gamitin ang apelyidong Pempengco.
“Matagal akong naging tahimik sa mga eskandalong ginagawa n’yo. Pero ngayon, ‘di ko na kaya pati sa pagkamatay n’ya ganyan pa rin kayo. Hindi ako takot. Lalo na sa mga taong walang respeto,” naghihinanakit na sabi ni Charice
“Sino kayo para sabihing masaya ako sa pagkawala ng sarili kong ama? Kapatid lang kayo at ako ay anak. Hindi pinagbawal ni mommy na dalawin ang daddy namin pero hindi n’yo kami pinayagan. Wala kayong respeto sa pamilya n’ya para sabihin n’yo yan ngayon! Imbis na ayusin n’yo, sinisira n’yo pa!” pahayag pa ni Charice.
Sa mismong bisperas ng Undas ay nagparamdam pa kay Charice ang kaniyang ama. “Last night, may kasama ako pero sabi ko kamukha n’ya daddy ko. ‘Di ko alam na nagpaparamdam na pala s’ya.
Gusto ko lang malaman n’yo, na we had a really great relationship bago nangyari lahat ang gulo.
Sinabi niya sa akin nung ako’y bata pa na hindi actually alam ni mommy, gusto n’ya akong maging sundalo kasi sabi niya matapang daw ako.
I loved him and I will still love him. He’s still my Dad after all”, ang sabi pa ni Charice.
Kinansela na rin ni Charice ang concert sa Singapore dahil sa pagkamatay ng kanyang ama kung saan uuwi ito sa bansa.
- Latest
- Trending