Trak nag-dive: 5 dedo, 38 grabe
LA TRINIDAD, Benguet, Philippines – Napilitang ihabol ni kamatayan sa pagdaraos ng Undas ang limang sibilyan habang 38 naman ang malubhang nasugatan matapos mahulog ang truck sa may 80-metrong lalim na bangin sa kahabaan ng Baguio-Bontoc Road (Halsema Highway) sa bayan ng Bauko, Mt. Province noong Biyernes ng gabi.
Kabilang sa mga biktimang paglalamayan sa pagsapit ng All Saints Day ay sina Doma Angdasen, Efren Bukasan, Maggay Lartec, Badul Palag-oc at ang isang nakilala sa pangalang Ngiti habang ang mga sugatan naman ay naisugod sa Baguio General Hospital and Medical Center, Lutheran Hospital at sa Bekes Emergency Hospital.
Lumilitaw na naganap ang trahedya sa bahagi ng Sitio Lukib, Monamon Sur bandang alas-7:30 ng gabi kung saan ang mga biktima ay papauwi na sana matapos dumalo ng kasalan sa Baguio City.
Ayon sa tagapagsalita ng Cordillera PNP na si P/Supt. Englebert Soriano, nawalan ng control sa manibela ang drayber ng truck (WER-589) na si Thomas Magadia kaya nagtuluy-tuloy na nahulog sa bangin.
Ikinatwiran naman ng drayber na makapal ang hamog na bumabalot sa paligid ng highway kaya hindi maaninag ang kalsada.
Gayon pa man, matapos masagip ng mga tauhan ni P/Senior Supt. Benjamin Lusad ang mga biktima ay muling nahulog ang truck sa 200 metrong lalim na bangin mula sa unang binagsakan nito. Dagdag ulat ni Victor Martin
- Latest
- Trending