CAVITE ,Philippines — Masaklap ang sinapit na kapalaran ng isang negosyanteng civilian security ng agency ni Senador Panfilo "Ping" Lacson matapos itong dukutin, brutal na pahirapan hanggang sa mamatay ay inilibing pa sa lubluban ng kalabaw sa gitna ng isang palayan sa Brgy. Santiago, General Trias, Cavite kamakalawa.
Tadtad ng mga tama ng bala sa ulo at katawan na halos hindi na makilala ang bangkay ng biktimang balot ng putik na kinilalang si Joselito Manalaysay, 48- anyos, may-asawa, isang civilian security sa Golden Berett Agency na pag-aari ni Sen. Lacson sa Imus, Cavite at naninirahan sa Brgy. Malagasang 2-G sa naturang bayan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid na nawala ang biktima noong Oktubre 21 dakong alas-11:30 ng gabi matapos itong umalis sa kanilang tahanan para dumalo sa pagtitipon pero nabigo ng makauwi sa kaniyang pamilya.
Ayon sa mga imbestigador, nakatanggap ng text messages ang pamilya ng biktima noong Oktubre 25 mula sa isang hindi nagpakilalang tao na nagsasabing nasa gitna ng palayan matatagpuan ang bangkay ng biktima.
Kamakalawa ay napilitan ng dumulog ang pamilya ng biktima sa pulisya at dito na natunton ang bangkay nito na nakabaon sa isang putikan sa gitna ng lubluban ng kalabaw.
Ang biktima ay nagtamo ng 16 tama ng bala ng cal 9 mm at cal 45 pistol sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kasong ito upang matukoy ang motibo ng krimen at mapanagot sa batas ang salarin.