MANILA, Philippines - Pinamamadali ng Bulacan Chamber of Commerce and Industries sa Commission on Audit (COA) ang imbestigasyon hinggil sa report kung saan napupunta ang P93-M na calamity fund ng lalawigan.
Sa pangunguna ni dating provincial board member Teofilo Rivera, sinabi nito na mag-iisang buwan na matapos ang bahang dulot ng bagyong Pedring ngunit wala pa ring inilalabas na kuwenta hanggang ngayon ang panlalawigang pamahalaan maging ang naging gastusin din noong tamaan ng bagyon Falcon ang lalawigan.
Sa isang liham kay COA Chairperson Ma. Gracia Pulido Tan, sinabi ni Rivera na nang tumaas ang bahang dulot ni Pedring, mga pribadong grupo ang nakita ng mga Bulakeño na unang namigay ng relief goods sa mga biktima at hindi ang provincial government. “May mga ulat din na may mga barangay na walang natanggap na kahit na anong relief goods,” ani Rivera.
Giit pa ni Rivera na ang mga bayan ng Calumpit, Hagonoy at Paombong ay kapitbahay lamang ng Provincial Capitol subalit tulad ng naulat sa media, may mga biktima na ilang araw na ang lumipas bago nakatanggap ng relief goods. “Nasaan ang P32 milyon na sinasabi ng provincial government na nagastos nila para sa relief goods? Sinu-sino ang nakatanggapat saan napunta ang mga ito,” ayon kay Rivera.