OCCIDENTAL MINDORO, Philippines – Sinunog ng mga armadong kalalakihan ang kilalang ang radio station sa Barangay Labangan sa bayan ng San Jose kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay Daisy Leaño, program manager ng dzVT 1395, nagsimula ang sunog sa may finance office ng naturang radio station bandang alauna ng madaling-araw.
Kabilang sa mga natupok ay ang 5-kilowatt AM transmitter, FM transmitter, sound and engineering equipment, 10 desktop computers at dalawang laptops na nagkakahalaga ng P10 milyon.
“Nakita lang po ng technician-on-duty. Naapula po ang apoy pero ‘yung generator set ay nasunog at nakapag-broadcast pa kami kasi may power supply pa,” pahayag pa ni Leano.
“Hindi maiiwasan na may masasagasaan. Pero isa lang ang tinuturo ng mga tao dito. Meron po silang tinuturong pulitiko,” dagdag pa ni Leaño.
Napag-alamang tinangka nang sunugin ang naturang istasyon noong October 20 pero agad itong naapula. May teorya naman ang pamunuan ng radyo station na may kinalaman sa pulitika ang naganap na panununog.
Sa panayam naman ng PSNgayon kay Occ. Mindoro PNP director P/Senior Supt. Michael Baesa, mabilis na sinabi nitong walang kinalaman ang NPA at mga pulitiko sa naganap ng panununog.