MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa 10,385-katao mula sa mga bayan ng Alicia at Payao ang nagsilikas para hindi madamay sa air strike at ground assault operation ng militar laban sa mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front sa Zamboanga, Sibugay kahapon.
Sinimulan na ng Philippine Air Force ang air strike ng OV10 bomber plane sa pinagkukutaan ng grupo nina MILF commander Waning Abdusalam at Putot Jackaria.
Si Abdusalam at may 8 pa nitong lider ay target ng air strike kaugnay ng warrant of arrest na inisyu ng korte sa pagkakasangkot sa mga kasong murder, kidnapping-for-ransom at extortion sa Zamboanga Peninsula.
Samantala, sa press statement kahapon, kinumpirma ng liderato ng MILF na itinatwa na nila sa kanilang grupo sina kumander Abdusalam at Putot.
Sa strike operations ay nasa anim na MILF rebs ang napaslang at marami naman ang sugatan habang sa panig ng militar ay dalawang sundalo ang namatay at apat naman ang sugatan.
Inihayag naman ni Lt. Col Randolph Cabangbang, spokesman ng Army regional command na patuloy ang air strike at ground attack ng militar sa pinagkukutaan nina Abdusalam sa Sitio Talaib, Brgy. Balatan at sa Payao, Zamboanga, Sibugay.